FVR: Suporta, pagkilala dapat ibigay lahat kay Cory
GMANews.TV
07/08/2009
MANILA – Nararapat lang umano ang suporta at magmamalasakit na ibinibigay ng mga mamamayan kay dating Pangulong Cory Aquino na nakikibaka ngayon sa sakit na cancer, ayon kay dating Pangulong Fidel Ramos.
Sa panayam ng media nitong Martes, sinabi ni Ramos na labis na nagsikap si Gng Aquino noong panahon ng kanyang panunungkulan para sa kapakanan ng bansa kaya nararapat lang ang natatanggap niyang suporta at pagmamahal mula sa mga Filipino.
"President Aquino deserves the everlasting accolade and gratitude of the Filipino people and it is about proper for people to come here and pray for her in all sincerity so that she could survive her present illness and continue to serve her people longer," paliwanag ni Ramos.
Kabilang si Ramos sa mga dumalo sa ika-pitong araw na novena Mass para kay Gng Aquino sa Greenbelt chapel sa Makati.
Si Gng Aquino ang unang babaeng presidente ng Pilipinas na naluklok sa Malacanang matapos mapatalsik si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1986 EDSA people power revolution na sinuportahan ng militar.
This page requires a higher version browser
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV
Kasama si Ramos, dating hepe ng pulisya noong panahon ni Marcos, sa mga nagkudeta noong 1986 kabilang si Senate President Juan Ponce Enrile, nagsilbing Defense Minister ni Marcos, na naging daan sa pagkakaluklok ni Aquino sa puwesto.
Sa ilalim ng administrasyon ni Aquino, hinirang si Ramos na defense secretary at sinuportahan ng una ang huli para maging standard bearer noong 1992 presidential elections.
Sinabi ni Ramos nitong Martes na hindi na dapat pansinin ang mga kumalat na text messages kamakailan na pumanaw na si Gng Aquino.
Inihayag naman ni Deedee Siytangco, dating tagapagsalita ni Gng. Aquino, na nasa maayos at “comfortable" condition ang dating lider.
"I'm happy to report that she's stable, she's comfortable now and I can tell you that she received communion last Sunday," patungkol ni Siytangco sa isinagawang misa ni Fr. Catalino Arevalo sa kuwarto ng dating pangulo sa Makati Medical Center.
Dinala si Gng Aquino sa pagamutan noong nakaraang linggo matapos itong mawalan ng ganang kumain, ayon sa kanyang anak na si Sen Benigno “Noynoy" Aquino III.
Ayon naman kay Manuel Abellada, manugang ni Gng Aquino, prutas ang kinakain ng dating pangulo. Nagpapasalamat din umano ang pamilya Aquino sa mga nagdarasal para sa mabilis nitong paggaling ng kanyang biyenan.
"I guess that's what keeps Mrs. Aquino going also," sambit ni Abellada.
Sinabi naman ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte Jr., nagsilbing pinuno ng Government Service and Insurance System (GSIS) noong Aquino administration, na magdaraos ng misa sa Quezon City Hall sa Miyerkules para sa paggaling ng dating pangulo.
Napag-alaman din na nagsagawa ng healing mass ang mga simbahan sa Las Pinas na pinangunahan ng mag-asawang Sen. Manny Villar at Las Pinas Rep. Cynthia Villar.
“Nakikiisa ang mga mamamayan ng Las Piñas sa pagdarasal ng buong bansa para sa pagbuti ng kalagayan sa babaeng nagkaroon ng napakalaking papel sa pagbabalik ng demokrasya ng bansa," ayon sa senador.